Nagbanta ang Iran nitong Huwebes na magsasagawa ito ng “long and painful strikes” laban sa Estados Unidos sakaling ipagpatuloy ng Washington ang panghihimasok sa Strait of Hormuz.
Ayon sa ulat, patuloy na hinaharangan ng Iran ang Strait of Hormuz bilang tugon sa naval blockade ng Estados Unidos, na nakaaapekto sa tinatayang 20% ng pandaigdigang suplay ng langis at gas.
Bagama’t may umiiral na tigil-putukan mula Abril 8, nananatiling deadlock ang negosasyon sa pagitan ng mga panig.
Inaasahang bibigyan ng briefing si U.S. President Donald Trump hinggil sa mga posibleng panibagong military strikes laban sa Iran upang pilitin itong makipagkasundo.
Ang mga planong ito ay agad na nakaapekto sa pandaigdigang merkado, kung saan pumalo sa mahigit $126 kada bariles ang Brent crude bago bumaba sa humigit-kumulang $113.
Nagbabala naman ang isang opisyal ng Revolutionary Guards na anumang pag-atake ng Estados Unidos ay tutugunan ng malawak na pinsala laban sa mga base militar at barko nito sa rehiyon.
Sa isang pahayag, iginiit ng Supreme Leader na si Mojtaba Khamenei na layunin ng Tehran na wakasan ang umano’y pang-aabuso ng mga dayuhan sa Strait of Hormuz at nananatili itong nasa ilalim ng kanilang kontrol.
Samantala, nagbabala si UN Secretary-General Antonio Guterres na kung magpapatuloy ang krisis, maaaring bumagal ang global growth, tumaas ang inflation, at mas maraming tao ang malugmok sa kahirapan at kagutuman.
Patuloy ring tumitindi ang tensyon sa rehiyon matapos ang mga drone at missile attacks ng Iran sa Israel, mga base militar ng U.S., at imprastraktura sa Gulf states.
Sa gitna nito, pinag-aaralan ng Estados Unidos ang iba’t ibang opsyon kabilang ang posibleng paggamit ng ground forces upang muling buksan ang Strait of Hormuz, gayundin ang pagbuo ng Maritime Freedom Construct para sa seguridad sa rehiyon.
Ilang bansa tulad ng France at United Kingdom ang nagpahayag ng kahandaang tumulong, ngunit nilinaw na ito ay posible lamang kapag natapos na ang digmaan.
Samantala, nakipag-ugnayan si Japanese Prime Minister Sanae Takaichi kay Iranian President Masoud Pezeshkian upang tiyakin ang ligtas na pagdaan ng mga barko ng Japan.














