Sinabi ng Abbas Araghchi na sinusuri ng Iran ang bagong proposal mula sa Estados Unidos, kasunod ng ulat na malapit nang makabuo ng kasunduan ang Washington at Tehran upang tapusin ang digmaan sa Gulf.
Ayon sa Iranian foreign ministry, ihahatid ng Iran ang kanilang tugon sa pamamagitan ng Pakistan, na nagsilbing tagapamagitan sa naganap na usapang pangkapayapaan at patuloy na daluyan ng komunikasyon ng dalawang panig.
Batay sa ulat, ang Estados Unidos at Iran ay umano’y malapit nang makabuo ng isang 14-point na one-page memorandum na magtatapos sa digmaan, habang ang mas komplikadong isyu tulad ng nuclear program ng Iran ay ililipat sa susunod na negosasyon.
Ayon sa mga source, ang naturang memorandum ay maglalatag ng paunang kasunduan na susundan ng mas detalyadong pag-uusap sa loob ng 30 araw, kabilang ang pagbubukas ng shipping sa Strait of Hormuz, pagbawas ng US sanctions sa Iran, at posibleng limitasyon sa nuclear program ng Tehran.
Sa panig ng Estados Unidos, sinabi ni Pangulong Donald Trump na maaaring matapos ang digmaan kung tutuparin ng Iran ang napagkasunduan, ngunit nagbabala rin siya na kung hindi, muling sisiklab ang mas matinding opensiba.
Ayon pa kay Trump, ang planong naval mission para buksan ang Strait of Hormuz ay pansamantalang itinigil dahil sa “progress” sa usapang pangkapayapaan.
Gayunman, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa White House, State Department, o mga opisyal ng Iran kaugnay ng detalye ng proposal.
Umani rin ng reaksyon ang ulat sa merkado, kung saan bumagsak ang presyo ng langis habang tumaas ang global stock markets dahil sa inaasahang pagluwag ng tensyon sa supply ng enerhiya.
Samantala, nagbabala naman ang Israel na posibleng hindi pa tiyak ang kasunduan at patuloy silang naghahanda sa posibilidad ng paglala ng labanan.
Sa kabila ng mga ulat, ilang Iranian officials ang nagsabing mayroon pa ring mga pagtutol sa panukala ng US, at iginiit ang pangangailangan ng “fair and comprehensive agreement” bago tuluyang magkasundo ang magkabilang panig.














