NAGA CITY-Patay ang isang lalake pagkatapos itong barilin sa San Narciso, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jobert Mongoc Quides, 43 taong gulang, residente ng Brgy. Villa Aurin sa nasabing bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakakuha aniya ang San Narciso Municipal Police Station ng tawag na may nakuhang bangkay sa bulubunduking bahagi ng Sitio Taluto 2, Brgy Villa Aurin, San Narciso, rason upang puntahan nila ang lugar.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, bandang alas-11 ng gabi ay nakarinig aniya si Cynthia H. Quides, asawa ng biktima, ng putok ng baril malapit sa kanilang bahay.

Dito naman nito natuklasan na ang naging biktima pala ng pamamaril ang kanyang asawa na binawian naman ng buhay.

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang isang fired cartridge case at tatlo pang cartridge ng isang kalibre 45 baril.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.