NAGA CITY- Aabot sa mahigit P65,000 ang natangay ng magnanakaw sa La Porteria Parish sa Calabanga, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Mark Spaña, hepe ng Calabanga Municipal Police Station, sinabi nitp na pwersahang sinira ng suspek ang pinto ng naturang simbahan gayundin ang mga drawer sa opisina nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na ang nasabing pera ay mula sa iba’t-ibang koleksyon ng simbahan sa loob ng isang linggo na nakalimutan lamang ideposito sa bangko.

Sinabi pa ni Spaña na imposible na inside job ang nangyari ngunit tinitingnan umano nila ang lahat ng anggulo sa insidente.

Dagdag pa nito, may mga binatilyo aniya na naglaro malapit sa lugar na pinaniniwalaang posibleng may kagagawan ng nasabing krimen.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente lalo na ang pagtunton sa posibleng salarin.