Naghain ng ethics complaint ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga kaugnay ng kanyang mga social media post tungkol sa insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13. Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nilabag umano ng kongresista ang Article 154 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ipinakita ng NBI ang siyam na post ni Barzaga, kabilang ang ilan na nabura na, kung saan sinabi nitong may naganap na tangkang pagpaslang sa Senado. Dagdag ni Matibag, nakatakda ring magsampa ng kasong kriminal ang ahensya laban sa mambabatas sa susunod na linggo habang sinusuri rin ang posibilidad ng kasong inciting to sedition.
Noong Mayo 13, nagbahagi si Barzaga ng video na may pamagat na “Senate Assassination Attempt.” Sa naturang video, inangkin niyang may naganap na putukan sa loob ng Senado at may tangkang pagpatay umano sa ilang senador upang mabago ang liderato ng kapulungan.
Samantala, itinanggi ng mga awtoridad ang naturang alegasyon. Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, walang ebidensiyang nagpapatunay na may naganap na pag-atake sa Senado. Lumabas sa imbestigasyon na ang lahat ng tama ng bala ay nagmula sa loob ng gusali at walang putok na nanggaling sa labas.
Noong Hunyo 2, inakusahan naman ni Barzaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa likod ng isinampang ethics complaint laban sa kanya. Matatandaang nasuspinde na noon ang kongresista dahil sa mga kontrobersyal na social media post at naharap din sa reklamong cyber libel ngayong taon.











