Narekober ang isang handwritten journal ng Philippine Army 2nd Infantry Division matapos ang madugong engkwentro laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa San Jose, Occidental Mindoro noong Marso 29.
Ayon sa militar, ang notebook ay pinaniniwalaang pag-aari ni Charlize Cameron “Ka Kaye” Garzon, na nahuli sa operasyon sa Sitio Salafay, Barangay Monteclaro. Sa nasabing engkwentro, nasawi si Captain Dean Buen Oyando habang dalawa pang sundalo ang nasugatan.
Sinabi ni 2ID spokesperson Colonel Michael Aquino na naglalaman ang journal ng mga detalye hinggil sa operasyon, istruktura, at ideolohiya ng grupo, pati na rin mga personal na karanasan sa loob ng kilusan.
Ayon sa ulat, kabilang sa mga nakasulat ang mga utos sa loob ng grupo, gaya ng pag-deny ng involvement kapag nahuli, pati na ang mga obserbasyon sa recruitment at panawagan na palakasin ang “rebolusyonaryong inisyatiba.”
Mayroon ding mga bahagi na naglalarawan ng hirap sa buhay sa kabundukan—kakulangan sa pagkain, takot sa labanan, at maging ang pagnanais umano ng may-akda na umalis sa grupo. Nakapaloob din sa notebook ang mga sketch at mapa ng mga kampo, kabilang ang mga tulugan, kusina, at galaw ng mga yunit.
Naaresto si Garzon ilang metro mula sa pinangyarihan ng engkwentro at kasalukuyang nahaharap sa kasong murder. Nabigyan siya ng paunang lunas bago isinailalim sa kustodiya.
Samantala, iginiit ng kanyang pamilya na nilabag umano ng militar ang Data Privacy Act matapos ilabas ang mga larawan niya. Itinanggi rin ng kanyang mga kaanak at kaibigan ang alegasyong siya ay rebelde, at sinabing isa lamang siyang cultural worker at aktibista.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang hinihintay pa ang pahayag ng panig ng pamilya.














