Umaasa ang ilang lider ng Kamara de Representantes na higit pang mapapalakas ang transparency at mga reporma sa pamamahala ng pambansang pondo sa ilalim ng bagong talagang Department of Budget and Management (DBM) Secretary na si Prof. Kim Robert de Leon.
Ayon kay La Union Rep. at Deputy Speaker Paolo Ortega, malaking oportunidad ang pagkakatalaga kay De Leon upang ma-modernisa ang mga sistema sa DBM at maisulong ang mga progresibong reporma sa budget management ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Ortega na mahalaga ang papel ng DBM sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko, lalo na sa panahon na mataas ang panawagan laban sa mga kuwestiyunableng insertions o singit sa pambansang badyet.
Sinabi rin ng mambabatas na handa ang Kamara na makipagtulungan sa bagong liderato ng DBM upang maisulong ang mga reporma at mapaigting ang transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Si De Leon ay isang eksperto sa pampublikong pananalapi at propesor sa University of the Philippines Diliman. Nagsilbi rin siya bilang undersecretary ng DBM at Department of Transportation, bukod pa sa kanyang naging karanasan sa Office of the President.
Samantala, sinabi naman ni Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales na ang paghirang kay De Leon ay pagpasok ng “young blood” sa Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ayon sa Malacañang, si De Leon ang pinakabatang miyembro ng kasalukuyang Gabinete at pinakabatang naging budget secretary sa kasaysayan ng bansa.
Kasalukuyang inihahanda ng ehekutibo ang panukalang pambansang badyet para sa 2027 na inaasahang isusumite sa Kongreso matapos ang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo. Umaasa rin ang Kamara na magagamit ni De Leon ang kanyang kakayahan upang makabuo ng programang tutugon sa epekto ng krisis sa langis at pagbagal ng ekonomiya.














