Iginiit ng kampo ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez na hindi isyu ng malayang pamamahayag ang kasong kinakaharap ni Franco Mabanta, kundi isang usapin umano ng extortion.
Ayon kay Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, tinatawag umanong “twisting the narrative” ang pag-frame ng kampo ni Mabanta sa kaso bilang pag-atake sa press freedom.
Giit pa niya, malinaw sa batas na ang pangingikil ay isang krimen, at ang naging hakbang umano ni Romualdez ay agad na paglapit sa mga awtoridad matapos makatanggap ng banta o extortion attempt.
Dagdag ng kampo ng dating House Speaker, ang insidente ay iniulat agad sa mga otoridad na naging dahilan ng operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) alinsunod sa kanilang mandato.
Binatikos din ni Atienza ang depensa ng PGMN na may hawak umano silang sensitibong materyales laban sa ilang opisyal ng gobyerno, na aniya ay hindi sapat upang mapawalang-sala ang mga akusasyon ng extortion.
Ayon pa sa kampo ni Romualdez, may alegasyon na ang PGMN ay gumawa ng video na hindi inilabas ngunit ginamit umano bilang leverage, na para sa kanila ay mas malapit sa extortion kaysa sa journalism.
Binigyang-diin din nila na ang kaso ay dadaan sa tamang proseso ng batas at base sa ebidensya, at hindi sa mga salaysay na kumakalat sa social media.














