Photo © web

Nananatiling maingat ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng mga ulat na may ilang senador na posibleng sumuporta sa kanya sakaling mag-convene ang Senado bilang impeachment court.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, hindi pa rin kampante ang kampo ng bise presidente sa bilang ng mga senador na maaaring pumanig sa kanya, dahil itinuturing nilang usaping pulitikal ang sitwasyon.

Ipinaliwanag ni Poa na mabilis magbago ang kalakaran sa pulitika kaya hindi aniya dapat umasa o magbilang ng mga senator-judge na maituturing na kaalyado.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang legal team ng kampo ni VP Sara sa pagpapatatag ng ebidensiya at paghahanda ng mga testigo sakaling magsimula ang paglilitis.

Advertisement

Iginiit din ni Poa na ang magiging basehan ng boto ng mga senator-judge ay ang ebidensiya at testimonya sa kaso, at hindi ang pulitikal na ugnayan.

Naniniwala ang kampo ng bise presidente na magiging patas ang proseso sa oras na magsimula ang impeachment trial sa Senado.

Advertisement