Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan na unahin ang kapakanan ng bansa kaysa sa pulitika, sa pamamagitan ng pagtutok sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at pag-unlad ng Pilipinas.

Inihayag ito ng Ikalawang Pangulo sa pagdiriwang ng ika-65 Patronal Fiesta sa Hinatuan, Surigao del Sur. Ayon sa kanya, matagal nang naghihintay ang mga Pilipino ng mas magandang kalidad ng pamumuhay kaya’t nararapat na ituon ng mga pinuno ng pamahalaan ang kanilang pansin sa paglikha ng trabaho, pagpapalakas ng kabuhayan, at paghahatid ng maayos na serbisyo sa mga komunidad.

Hinimok din ni Duterte ang mga lider ng gobyerno na isulong ang adhikaing “kalinaw ug kalambuan” o kapayapaan at kaunlaran, bilang pundasyon ng mas maayos na kinabukasan para sa mamamayan.

Kasabay nito, pinayuhan niya ang mga magulang na patuloy na magsikap upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Hinikayat din niya ang mga kabataan na tapusin ang kanilang pag-aaral at manatiling responsable at disiplinado.

Advertisement

Samantala, nagpapatuloy sa Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Kabilang sa mga reklamong kinakaharap niya ang umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipaliwanag na yaman, katiwalian, at pagbabanta umano kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Mariing itinanggi naman ng kampo ng Bise Presidente ang lahat ng paratang sa nagdaang tatlong araw ng paglilitis, at iginiit na wala umanong sapat na batayan ang mga alegasyon laban sa kanya.

Upang mahatulan sa impeachment, kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa 16 sa kabuuang 24 na senador. Kapag nakamit ang kinakailangang bilang ng boto, maaaring mapatalsik sa puwesto ang Bise Presidente at madiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.

Advertisement