Inaasahang darating ngayong Marso 23 ang panibagong batch ng mahigit 300 overseas Filipino workers (OFW) mula sa Gitnang Silangan bilang bahagi ng patuloy na repatriation efforts ng pamahalaan.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), umaabot sa 343 ang kabuuang bilang ng mga repatriates na nagmula sa Saudi Arabia, Bahrain, at Qatar.
Sakay ang mga ito ng ikaapat na chartered flight na inorganisa ng gobyerno, at personal na inasikaso ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan ang kanilang pagbabalik sa bansa.
Sa kabuuan, nasa 1,420 na OFW at kanilang mga dependent ang naiuuwi na ng pamahalaan matapos maapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Tiniyak naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na magpapatuloy ang operasyon ng pamahalaan para sa ligtas na repatriation ng mga Pilipino sa rehiyon, kasabay ng pakikipagtulungan sa OWWA at Department of Foreign Affairs (DFA), na tumulong sa ligtas na pagdaan ng pinakahuling batch sa Riyadh.














