NAGA CITY – Sugatan ang isang babaeng empleyado ng Tayabas City government matapos itulak ng kaniyang live-in partner sa Malagonlong bridge na sakop ng Brgy. Lakawan sa Tayabas City.

Kinilala ang biktima na si Verlyn Serrano Obcemia, 28-anyos, residente ng Brgy. Dapdap, sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na galing sa isang birthday celebration ang biktima at ang suspek na si Jerome Cabile Cabuyao, 33-anyos, residente naman ng Brgy. Calumpang sa naturang lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad napag-alaman na habang pauwi na ang dalawa sakay ng motorsiklo nang tumigil ang mga ito sa nasabing tulay at dito na nagkaroon ng mainit na argumento na naging dahilan para itulak ng suspek ang biktima kung saan nahulog si Obcemia sa nasabing tulay.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang naidala sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek papunta sa hindi malamang direksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente gayundin ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng suspek.