Nagpahayag ng saloobin ang actress-host na si Kim Chiu matapos umanong makatanggap ng pambabatikos at pagbabanta kaugnay ng kanyang naging pahayag tungkol sa mga isyung panlipunan at nangyayari sa bansa.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Kim Chiu na nalulungkot siya dahil tila gusto umano siyang patahimikin dahil lamang sa kanyang pagpapahayag ng opinyon.
“Nakakalungkot. That’s what happens when concern and opinion don’t align with them—gusto agad patahimikin,” ani Kim.
Iginiit din ng aktres na bilang isang Bisaya at Pilipino, may karapatan siyang magsalita at magpahayag ng saloobin.
“Oo, Bisaya ko, pero Pilipino rin akong may karapatang magsalita at magpahayag ng saloobin,” dagdag niya.
Ayon pa sa kanya, masakit para sa mga ordinaryong mamamayan na nagbabayad ng buwis na makita ang mga kontrobersyang kinahaharap ng bansa.
“Masakit magbayad ng buwis tapos ganito ang nakikita natin. Hindi po tayo ang magkakalaban. Pare-pareho lang tayong mamamayan,” saad niya.
Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, nanawagan si Kim na iwasan ang pag-aaway at unawain ang magkakaibang pananaw ng bawat isa.
Nauna nang nag-viral ang kanyang pahayag matapos siyang magkomento kaugnay ng insidente sa Senado, kung saan nagkaroon ng komosyon at umano’y pagpapaputok ng baril habang pinaghahanap si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.










