Ipinahayag ni House Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo na layon ng Kongreso na maisulong ang panibagong “Bayanihan 3” bilang tugon sa kasalukuyang hamon sa ekonomiya at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Quimbo, inaasahang magsisimula ang pormal na pagtalakay ng mga komite sa Abril 8, habang tuloy-tuloy ang konsultasyon sa mga eksperto upang mabuo ang panukala.
Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi lamang direktang ayuda ang tututukan ng Bayanihan 3, kundi pati ang pagpapatupad ng matagal nang kinakailangang reporma. Kabilang dito ang pagtatayo ng digital o electronic subsidy system na nakaangkla sa National ID upang mas mabilis at target ang pamamahagi ng tulong.
Binigyang-diin ni Quimbo ang pangangailangang tukuyin ang mga sektor at industriyang lubhang apektado ng krisis at maghanap ng pondo mula sa mga “windfall,” tulad ng pagtaas ng VAT collection at kita mula sa foreign reserves.
Dagdag pa niya, mahalaga ring palakasin ang kakayahan ng bansa na makabangon sa krisis sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng alternatibong enerhiya gaya ng solar, geothermal, at natural gas, pati na rin ang pagtatatag ng pambansang reserba ng petrolyo.
Samantala, sinasabing pinag-aaralan pa ng Kongreso ang posibleng pagtanggal o pag-adjust ng VAT sa petrolyo, bagaman aminado si Quimbo na komplikado ito dahil ipinapasa ang buwis sa mga mamimili.
Kaugnay ng pangamba sa pagtaas ng presyo ng bilihin, iminungkahi rin ni Quimbo na isama ang produktong petrolyo sa listahan ng basic necessities at prime commodities upang mas mapalakas ang monitoring at regulasyon. Ayon sa kanya, makatutulong ito sa Department of Trade and Industry at mga lokal na pamahalaan na bantayan at pigilan ang posibleng pang-aabuso sa presyo, at isa rin itong panukala na maaaring mabilis na maisabatas para maprotektahan ang mamimili.













