Nilinaw ng Korte Suprema ng Pilipinas na wala pa itong pinal na desisyon sa pangunahing petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa hinggil sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Ayon sa Korte Suprema, ang tanging naibasura pa lamang ay ang kahilingan ni Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng ICC arrest warrant.
Inaasahan namang ilalabas ngayong Lunes, Mayo 25, ang mga hiwalay na opinyon ng mga mahistrado kaugnay sa nasabing usapin.
Paliwanag ng SC, wala pa itong ruling sa pangunahing petisyon ni Dela Rosa taliwas sa mga ulat na nagsasabing may pinal nang desisyon batay sa naging pahayag ni Senior Associate Justice Marvic Leonen.
Ayon pa sa Korte Suprema, inalis umano sa konteksto ang mga naging pahayag ni Leonen sa isang pagpupulong kasama ang Integrated Bar of the Philippines at Mindanao State University sa Marawi, na nakatuon sa Shari’ah at tungkulin ng mga abogado.
Matatandaang noong Mayo 20, ibinasura ng SC sa botong 9-5-1 ang hiling ni Dela Rosa para sa TRO laban sa ICC arrest warrant kaugnay ng war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin nagpapasya ang Korte Suprema kung konstitusyonal ang pagpapatupad ng ICC arrest warrant sa bansa.














