Itinutulak ng ilang labor groups ang panukalang huwag nang patawan ng buwis ang mga sahod na P50,000 pababa upang mas mapakinabangan ng mga ordinaryong manggagawa ang kanilang kita.

Ayon kay Atty. Jose “Sonny” Matula, chairman ng Nagkaisa Labor Coalition at pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), panahon na upang ireporma ang sistema ng pagbubuwis sa sahod, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Giit niya, makatutulong ang naturang panukala upang maibsan ang pasanin ng mga manggagawa at mapalakas ang kanilang purchasing power.

Kasabay nito, patuloy na isinusulong ng mga grupo ang legislated wage hike na dalawang taon nang nakabinbin, na anila ay mahalaga upang makasabay sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin na dulot ng mga krisis sa pandaigdigang merkado.

Advertisement

Nanawagan din ang Kilusang Mayo Uno at iba pang labor organizations na agad tugunan ang usapin ng sahod sa tuwing may krisis, sa halip na dumaan pa sa mahabang proseso sa mga regional wage board.

Bukod dito, iginiit ng mga labor leader na dapat ding aksyunan ng pamahalaan ang patuloy na kontraktuwalisasyon sa bansa upang mapalakas ang seguridad sa trabaho ng mga manggagawa.

Advertisement