NAGA CITY- Arestado ang isang lalaki matapos na sunugin ang bahay ng kanyang nakaaway sa Brgy. Malabanban Sur, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Edgardo Villanueva 40-anyos residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office QPPO, sinasabing nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng suspek at biktimang si Lilibeth Rivera 33-anyos na umabot sa umano’y sapakan ng dalawa.

Kaugnay nito, dahil pinaniniwalaang hindi pa nakuntento ang suspek sumugod ito sa bahay ng biktima at sinunog ito.

Maswerte namang walang nasaktan sa pamilya ng biktima dahil sa paglipat nito sa katabing bahay dahil sa takot at banta ng suspek.

Sa ngayon, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.