NAGA CITY- Dead on arrival ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Purok Ilang-ilang A, Brgy. Poblacion Uno, Real, Quezon.

Kinilala ang biktima na si alyas Abril, residente ng Purok Gumamela, Brgy. Comon, Infanta, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang nakaupo ang biktima sa tabi ng isang SUV kasama ang kanyang kaibigan na kinilalang si Allan Coronado na naglilinis ng kanyang sasakyan, nang bigla na lamang umanong dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek at walang pakundangan na pinagbabaril ang biktima na naging dahilan upang magtamo ito ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na kaagad naman sanang isinugod sa ospital ang biktima subalit ideneklara rin lang ito na dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, matapos naman na isagawa ang krimen kaagad na tumakas ang mga suspek papunta sa direksyon ng Famy, Laguna sakay ng isang itim na motorsiklo.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang pitong caliber 45 fired cartridges cases at isang fired slug.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad maging ang paghahanap at pagkakalinlan ng naturang mga suspek.