NAGA CITY- Patay na ng matagpuan ang katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki habang nagpapalutang-lutang sa Bicol River sa Brgy Del Carmen Del Rosario, Minalabac, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Ernesto Verdadero Jr., imbestigador ng Minalabac Municipal Police Station, sinabi nito na nakita na lamang umano ng isang indibidwal ang biktima na nagpapalutang-lutang sa nasabing ilog.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na tanging salawal lamang ang suot ng biktima habang nababalutan ang katawan nito ng transparent plastic at tinali gamit ang tire wire na may dumbell at sako ng buhangin na ginamit naman na pampabigat upang hindi lumutang.

Dagdag pa ni Verdadero, tinitingnan na nasa 30 hanggang 40-anyos ang biktima at may taas na nasa 5’4″ hanngang 5’6″.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente lalo na ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng biktima gayundin ang pagkakadakip sa mga suspek.