NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Marc Erick Fajardo Naval, 45-anyos, residente ng Stone Gate Subdivision, Garnet St., Brgy. Domoit sa naturang lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nagtalo ang biktima at ang suspek na kinilalang si Leonardo Saguero Jaguba, 70-anyos, dahil umano sa relasyon ng bunsong anak na babae ng suspek at ni Naval. Nabatid na dito na tinutukan at pinaputukan ng suspek ang biktima gamit ang sumpak.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kaniyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.