NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos na mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at sumalpok sa isang punong-kahoy sa Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Glenn Osma, 45-anyos, residente ng Brgy. North Centro sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Jaymar Sierra ang Assistant PCR ng Sipocot Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabagtas ng biktima ang southbound lane sa Marlika Highway sa bahagi ng Brgy. Bolo Norte sa nasabing bayan nang mawalan ito ng kontrol sa minamanehong motorsiklo sa pakurbadang bahagi ng kalsada.

Ayon pa kay Sierra, madulas ang daan na pinagyarihan nang aksidente na naging dahilan upang makasalpok ito sa nasabing puno at magtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad higgil sa insidente.