NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Alyas Roderick, 47, residente ng Purok Masayahin, Brgy. Lower Talim sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na sumakay ang dalawang suspek sa isang motorsiklo na nakaparada sa gilid ng Eco-Tourism road ng nasabing barangay at dakong alas-6:40 ng gabi noong Linggo, ang tatlong suspek ay pinuntahan ang bahay ng biktima at nilapitan ang biktima na naglalakad sa daanan mula sa kanyang bahay hanggang sa Eco-tourism road habang ang isa pang suspek ay nagsilbing look-out.

Dito rin binaril ng tatlong suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa agarang pagkamatay nito, habang agad namang tumakas ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Sariaya, Quezon.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente gayundin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.