NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng katrabaho sa Sitio Malawak na Parang, Brgy Ikirin, Pagbilao, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Rostimar Aranton, 31-anyos, residente ng Brgy. Olongtao, Macalelon, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima kasama ang kanilang mga katrabaho at ang suspek na kinilalang si Edwin Elbios, 45-anyos, residente ng Brgy Manggisok Mercedez, Camarines Norte nang magkaroon ng mainit na argumento sa pagitan ni Aranton at Elbios na naging dahilan para saksakin ng suspek ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nagtamo ng tama ng saksak sa may kili-kili si Aranton na agad namang nakatakas at nakahingi ng saklolo.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.