NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa Patnanungan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Nelson Mestidio, 39-anyos, residente ng Sto. Catmon, Brgy Busdak sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang nag-iinuman sa isang bilyaran ang biktima at ang suspek na kinilalang si Miguelito Canzado Rosunabe, 22-anyos, ng magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa na naging dahilan para iwanan ng suspek ang biktima sa nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na habang pauwi na ang biktima ng bigla na lamang itong pagsasaksakin ng suspek.

Dahil dito, nagtamo ng saksak sa taas na bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na naging dahilan para agad itong bawian ng buhay.

Samantala, nakatakas ang suspek sa hindi pa malamang direksyon dala ang bagay na ginamit nito sa pananaksak sa biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang pursuit operation ng mga otoridad sa naturang suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.