Nagpakalat ng wanted posters ang mga miyembro ng Akbayan Youth laban kay Senador Ronald “Bato” M. dela Rosa sa kahabaan ng Kalayaan Avenue sa Quezon City ngayong Lunes, Mayo 18, kasunod ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Tinawag ng grupo si dela Rosa bilang “international fugitive” at “accused mass murderer” kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

Nakalagay sa mga poster ang katagang “WANTED for crimes against humanity, Bato Dela Rosa surrender to the ICC now!” habang sa isa pang poster ay nakasaad ang contact numbers ng National Bureau of Investigation (NBI) at ICC upang iulat umano kung saan matatagpuan ang senador.

Sa isang pahayag, binatikos ni Akbayan Youth National Vice Chairperson Claire Lopez ang umano’y patuloy na pagtatangka ni dela Rosa na takasan ang hustisya, at iginiit na libu-libong pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) ang naghihintay pa rin ng pananagutan.

Advertisement

Hinimok din ng grupo ang publiko na makiisa sa tinawag nilang “people’s manhunt” laban sa senador upang matiyak na haharap ito sa international justice mechanisms.

“Hindi lang ito laban ng mga biktima ng EJK kundi laban ng sambayanang Pilipino para sa katotohanan at pananagutan. Nananawagan kami sa publiko, makiisa sa people’s manhunt laban kay Bato dela Rosa. Huwag nating hayaang maglaho siya sa likod ng kapangyarihan at impluwensiya. Bato, sumuko ka na! Inuusig ka na ng mamamayan. Harapin mo ang hustisya,” ayon kay Lopez.

Ayon pa sa Akbayan Youth, isinagawa nila ang aktibidad matapos ang mga pangyayari sa Senado noong nakaraang linggo kung saan muling lumitaw si dela Rosa matapos umano ang ilang buwang pagtatago upang makilahok sa leadership coup sa Senado.

Samantala, muling nanawagan ang grupo sa Senado na simulan na rin ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Advertisement