NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng isang suspek sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Romar Dela Peña, 28-anyos, residente ng Brgy. Sta. Catalina Sur, Candeleria, sa nasabing probinsya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagpapahinga ang biktima sa kanyang tent sa sakahan ng dumating ang suspek na kinilalang si Richard Cardenas, residente din ng Brgy. Ban ban, Gumaca, Quezon at sa hindi malamang rason, bigla na lamang nitong pinagsasaksak si Dela Peña.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil dito, nagtamo ng maraming sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging resulta ng agaran nitong pagkamatay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na sa paghanap sa posibleng kinaroroonan ng suspek na agad tumakas matapos ang nasabing krimen.