NAGA CITY – Sugatan ang dalawang indibidwal kasama na ang driver ng motorsiklo matapos mahagip nito ang isang lalaki sa Brgy. Munting Parang, Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Danilo Salgado, 55-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng suspek na kinilalang si Rodolfo Villanueva, 27-anyos, residente ng Brgy. Mansilay, sa naturang bayan ang nasabing kalsada ng mawalan ito ng kontrol sa kaniyang minamanehong motorsiklo.

Pinaniniwalaan din an overspeeding ang naging dahilan para mahagip nito ang biktima na naglalakad lamang sa tabi ng kalsada.

Dahil sa naturang insidente, nagtamo ng sugat ang biktima gayundin ang suspek sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, patuloy pang nagpapagaling ang biktima at ang driver ng nasabing motorsiklo habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.