Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Japan Defense Minister Shinjiro Koizumi sa Malacañang Palace bilang bahagi ng pagpapatibay ng ugnayang depensa at strategic partnership ng Pilipinas at Japan.

Sa ulat, binigyang-diin na ang courtesy call ay sumasalamin sa patuloy na pagpapalakas ng kooperasyon sa larangan ng depensa sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasabay ng pagbisita ni Koizumi ang pakikilahok ng Japan sa Balikatan 41-2026 kung saan nasa 1,400 personnel ng Japan Self-Defense Forces ang lumahok sa multilateral military drills kasama ang mga sundalong Pilipino at Amerikano.

Malugod namang tinanggap ni Marcos ang partisipasyon ng Japan sa nasabing ehersisyo at tinawag itong positibong senyales ng pagkakaisa ng mga kaalyadong bansa.

Advertisement

Ayon sa Pangulo, maayos na isinasagawa ang mga military exercises at nagpapakita ito ng matibay na ugnayan sa seguridad sa rehiyon.

Dumalo rin sa naturang pagpupulong sina Executive Secretary Ralph Recto, Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., National Security Adviser Secretary Eduardo Oban Jr., at Presidential Communications Office Undersecretary for Strategic Media Campaigns Ramon Ilagan.

Samantala, kabilang naman sa delegasyon ng Japan sina Japan Ambassador Endo Kazuya, Japan Maritime Self-Defense Force Admiral Saito Akira, Ministry of Defense Bureau of Defense Policy Director General Mannami Manabu, at Director General for International Affairs Arima Takanori.

Tinalakay rin sa pulong ang nalalapit na state visit ni Marcos sa Japan ngayong buwan, na magbibigay-diin sa ika-70 anibersaryo ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng Maynila at Tokyo.

Advertisement