NAGA CITY-Kumpiskado ang lampas ₱214,000 na halaga ng ilegal na droga sa dalawang drug personality sa isinagawang buy bust operation sa Purok Damayan 2, Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Agul, 30-anyos, at alyas TL, 39-anyos, parehong residente ng nabanggit na siyudad.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na naaktuhan ng mga otoridad ang mga suspek na nagbebenta ng ilegal na droga matapos na makabili sa mga ito ang poseur buyer ng mga awtoridad ng isang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu sa halagang ₱500.

Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nakumpiska pa sa mga suspek ang tatlo pang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang ilegal na droga.

Sa kabilang dako, kinakalkulang mayroong bigat na 10.53 grams ang nakumpiskang pinagbabawal na gamot at nagkakahalaga ng ₱214,812.

Samantala, pareho naman na kasali ang mga suspek sa listahan ng mga high value individuals ng nabanggit na hepatura.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.