Mas humaba pa ang lava flow ng Bulkang Mayon sa isa sa mga daluyan nito habang patuloy na nakararanas ng pag-aalburoto ang bulkan, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa bulletin ng PHIVOLCS nitong Martes, sinabi nitong umabot na sa 1.7 kilometro ang lava flow sa Mi-isi gully mula sa dating 1.6 kilometro noong Lunes. Samantala, nananatili naman sa 3.8 kilometro at 3.2 kilometro ang haba ng lava flow sa Basud at Bonga gullies.
Nadagdagan din ang naitalang pyroclastic density current (PDC) o uson mula siyam hanggang 14 sa nakalipas na 24 oras. Tumaas din ang bilang ng volcanic earthquakes mula 20 hanggang 31, na tumagal nang hanggang 83 minuto.
Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng 287 rockfall events, mas mababa kumpara sa 428 na naitala sa nakaraang ulat. Patuloy ding naoobserbahan ang short-term deflation ng bulkan at inflation sa northeastern flank nito.
Ayon pa sa ahensya, nakapagtala ng 957 tonelada ng sulfur dioxide emission noong Lunes, mas mababa sa naunang 1,771 tonelada. Nakita rin ang mahinang plume na umabot sa 1,300 metro bago mapadpad sa timog at timog-kanlurang direksyon.
Nananatiling nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang may matinding pag-aalburoto o magmatic unrest. Mahigpit ding ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone dahil sa banta ng pagguho ng bato, lava flow, pagputok, pyroclastic density currents, at lahar lalo na tuwing malalakas na pag-ulan.














