Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang babaeng vlogger na viral online matapos mapatunayang nagmamaneho siya habang hawak ang recording device, kasabay ng pagpataw ng multa at dalawang taong pagbabawal sa pag-renew ng lisensya.
Ayon sa LTO, bukod sa pagkakabawi ng lisensya, pinagmulta rin ang vlogger na kilala bilang “Ishi Lee” at idineklarang hindi karapat-dapat mag-renew ng kanyang driver’s license sa loob ng dalawang taon. Kinumpiska rin ang kanyang sasakyan hanggang sa makumpleto niya ang mga kinakailangang dokumento at mabayaran ang mga multa.
Nauna nang naglabas ang LTO ng show cause order (SCO) laban sa vlogger noong Pebrero matapos kumalat sa social media ang video niya na nagpapakitang nagmamaneho habang may hawak na recording device. Gayunman, hindi siya nakadalo sa itinakdang pagdinig o nakapagsumite ng paliwanag, kaya’t tuluyang isinara ng ahensya ang kaso.
Sa supplemental order na inilabas noong Abril 20, nakasaad ang mga paglabag gaya ng reckless driving, anti-distracted driving, driving without a valid license, at pagiging hindi karapat-dapat magmaneho. Ayon din sa LTO, may mga ulat na patuloy pa rin umanong nagmamaneho ang vlogger kahit may naunang kautusan na nagbabawal sa kanya.
Nag-viral din ang pahayag ng vlogger sa Facebook kung saan iginiit niyang hindi siya personal na nakatanggap ng kopya ng SCO at wala siyang natanggap na opisyal na dokumento mula sa LTO.
Nagbabala ang LTO na aarestuhin at ipi-impound ang sasakyan ng vlogger sakaling mahuli siyang muling magmamaneho. Giit ng ahensya, ang mga regulasyon sa kalsada ay hindi opsyonal at may kaakibat na agarang parusa para sa mga lalabag.














