NAGA CITY – DEAD-ON-ARRIVAL ang isang lola matapos mahagip ng isang pick up na kotse sa Tigaon, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Maria Bayta Pesimo, 74-anyos residente ng Barangay San Rafael, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, napag-alaman na habang tumatawid sa kalsada ang biktima para magsimba nang bigla na lamang itong nahagip ng kotse na minamaneho naman ni Elueterio Perido Celestial III, 54-anyos, residente ng Barangay San Jose, Goa, Camarines Sur.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa naturang pangyayari, tumilapon si Pesimo at nakatama pa sa sementadong kalsada.

Agad naman dinala sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, dahil din sa pagkabahala ng suspek na kuyugin ito ng mga kamag-anak ng biktima dumiretso ito at sumuko sa Goa Municipal Police Station.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.