Nagpalabas ng show cause orders ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa 21 transport network companies (TNCs) kaugnay ng umano’y discrepancies sa bilang ng mga benepisyaryo ng fuel subsidy para sa mga transport network vehicle service (TNVS) drivers.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II, layunin ng hakbang na matukoy ang dahilan ng hindi pagtutugma ng datos sa iniulat na bilang ng mga tumanggap ng subsidiya mula sa gobyerno.

“We want to ferret out the truth in relation to this incident,” ani Mendoza, at binanggit ang posibilidad kung may sinadyang pagpapalaki ng bilang ng benepisyaryo o simpleng kapabayaan sa pagsunod sa utos ng LTFRB.

Isinagawa ang hakbang matapos ang verification process ng LTFRB at iba pang ahensya na nagbunyag ng mga hindi tugmang impormasyon sa listahan ng mga benepisyaryo sa sektor ng ride-hailing.

Advertisement

Inatasan ang mga TNC na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang operasyon, kasabay ng pagsusumite ng listahan ng mga driver na naipasa sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kabilang ang kanilang mga plaka ng sasakyan.

Kabilang sa mga posibleng paglabag ang onboarding ng mga sasakyang walang tamang awtorisasyon at hindi pagpapanatili ng aktibong units sa kanilang mga platform.

Itinakda ang pagdinig sa Mayo 14 kung saan kailangang humarap ang mga opisyal o awtorisadong kinatawan ng mga kumpanya upang magpaliwanag sa mga isyu.

Advertisement