Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na walang total ban sa e-bikes at e-trikes at maaari pa rin silang bumiyahe sa mga city at municipal roads, ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, ang ipinagbabawal lamang ay ang pagdaan ng mga e-bikes at e-trikes sa mga national highways at pangunahing kalsada gaya ng EDSA, C-5, Roxas Boulevard, at iba pang major thoroughfares.
Ipinaliwanag ng LTO na ipinatutupad ang restriksyon dahil sa road safety concerns, lalo na sa malaking pagkakaiba ng bilis ng e-bikes at e-trikes kumpara sa ibang sasakyan na maaaring magdulot ng aksidente.
Binigyang-diin ni LTO Chief Markus Lacanilao na ito ay isang preventive measure at hindi isang uri ng parusa laban sa mga gumagamit ng naturang sasakyan.
Sa Metro Manila, ipinatutupad ang polisiya katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), habang sa mga lalawigan ay isasagawa muna ang information campaign habang inaayos pa ng Department of Transportation ang pinal na guidelines.












