Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na pinangalanan na umano ng detainee na si Ramil Madriaga ang ilang kinontratang hitmen kaugnay ng kaniyang mga alegasyon na umuugong sa politika.
Ayon kay Remulla, si Madriaga—na nagpakilalang dating aide at bagman ni Bise Presidente Sara Duterte—ay nagbigay na ng mga pangalan ng umano’y mga hitman, at posibleng isapubliko ang mga ito sa kaniyang mga susunod na testimonya.
Nauna nang inakusahan ni Madriaga si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang supplemental affidavit na iniharap sa House Committee on Justice, kung saan iginiit niyang umano’y may planong asasinasyon o kudeta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling hindi ito bumaba sa puwesto pagsapit ng 2025.
Gayunman, mariing pinabulaanan ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon at tinawag ang mga ito na “pure fiction” at walang sapat na ebidensiya.
Samantala, ipinauubaya na ng Malacañang sa National Bureau of Investigation ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa mga rebelasyon ni Madriaga.
Inaasahan namang magpapatuloy ang mga pagdinig at pagsusuri sa mga pahayag ni Madriaga sa mga susunod na araw.














