NAGA CITY – Sugatan ang isang magsasaka matapos na bugbugin ng kapwa magsasaka sa San Narciso, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Juanito Sambajon Jr., 58-anyos, residente ng Barangay San Juan, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek na si Eric Marco, 26-anyos ng magkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng mga ito.

Dahil dito, bigla na lamang umanong sinuntok ni Marco si Sambajon dahilan upang magsapo ito ng tama sa mukha nito.

Matapos ang nasabing insidente, dinala ng isang Victor Cagara ang biktima sa bahay nito ngunit sinundan pa ito ni Marco at ng isa pang suspek na si Mark Gul Llorca.

Kung saan, dito naman ito muling pinagsusuntok ng mga suspek hanggang sa maawat ito ng mga kapitbahay na nakakita sa nasabing kaguluhan.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang bikitma na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang pagtukoy sa kinaroroonan ng mga nakatakas na suspek para sa karampatang disposisyon.