Iniulat ng Philippine National Police na umabot na sa 403 gasolinahan sa buong bansa ang pansamantalang nagsara habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, ang bilang ay mula sa 14,313 fuel stations na kasalukuyang mino-monitor ng pulisya katuwang ang Department of Energy upang maiwasan ang hoarding at profiteering.
Sinabi ni Tuaño na nagsimula sa 273 ang bilang ng mga nagsarang gasolinahan noong nakaraang linggo at patuloy itong tumaas hanggang umabot sa higit 400.
Ipinasa na ng PNP sa DOE ang datos para beripikahin kung ang mga pagsasara ay may kaugnayan sa ilegal na gawain tulad ng pagtatago ng suplay ng langis.
Sa kabila nito, paunang impormasyon ang nagpapakitang sapat pa ang suplay ng petrolyo sa bansa at inaasahang tatagal hanggang Abril 15, 2026.
Samantala, may mga naaresto na sa magkakahiwalay na operasyon sa Nueva Vizcaya, Eastern Samar, at Guinobatan, Albay dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta, hoarding, at profiteering ng produktong petrolyo.
Tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang kanilang monitoring upang masigurong may sapat na suplay at maprotektahan ang publiko laban sa mapanlamang na gawain.
Samantala, iginiit ng Malacañang na hindi krisis sa langis ang nararanasan ng bansa kundi “price disruption” lamang, kaugnay ng epekto ng sigalot sa Middle East at umiiral na Oil Deregulation Law.














