NAGA CITY – Kumpiskado ang mahigit P104-K na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Purok Silangan Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.

Kinilala ang suspek na si Francisco Fernando alyas Tutay, 26-anyos, residente ng Greenhills Phase 2 Barangay Marketview sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na posuer buyer sa suspek ng isang heat-sealed transparent plastic sachet sa halagang P1,000.00.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad napabatid na maliban sa buybust item nakumpiska pa sa suspek ang dalawa pang sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 5.10 grams at tinatayang nagkakahalaga ng nasa P104,040.00 at isang unit ng motor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.