NAGA CITY- Tinatayang aabot sa mahigit P70,000 ang halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa isang drug suspect sa ginawang buy bust operation sa Barangay Talisay, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Prince Psalmuel Palero, alias Sam Palero, 29-anyos, residente ng San Augustin sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na naaktuhan ang suspek na nagbebenta ng isang pakete ng hinihinalang shabu sa nag-aktong poseur buyer sa halagang P2,040.

Sa ginawang bodysearch ng mga awtoridad, narekober sa suspek ang tatlong pakete pa ng shabu na may bigat na 3.44 grams at nagkakahalaga ng mahigit kumulang P70,000.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.