NAGA CITY – Kumpiskado ang mahigit sa P8-M na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Baybayin 1, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.

Kinilala ang suspek na si Alibsar Macasari, alyas Alvin, 37-anyos, residente ng GMA, Cavite City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu sa halagang P60-K.

Napag-alaman pa na maliban sa buy-bust item nakumpiska rin sa suspek ang tatlong knot tied transparent plastic bag ng pinaniniwalaang shabu; tatlo pang plastic sachet ng iligal na droga, at isang android cellphone.

Sa kabuuan, tinatayang may bigat na 400 grams ang mga narekober na iligal na droga sa suspek at nagkakahalaga ng P8,160,000.

Samantala, itinuturing naman bilang high value individual ang nasabing suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.