NAGA CITY – Tinatayang aabot sa mahigit P81,000 ang halaga ng pinaniniwalaang shabu na nasamsam sa isang babae sa Barangay Nalayahan, Siruma, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Analyn Deocales, 25-anyos residente ng Sitio Malabag, Barangay Lutucan Malabag, Sariaya, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na naaresto si Deocales matapos itong silbihan ng warrant of arrest ng mga awtoridad.

Kaugnay nito, narekober din sa suspek ang tatlong piraso ng medium heat sealed transparent plastic sachets at anim na piraso ng small heat sealed transparent plastic sachets ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P81,600 at kasama ang iba pang mga drug paraphernalia.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda naman ang kasong posibleng isampa laban sa nasabing suspek.