Nilinaw ng Malacañang na patuloy na sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga desisyon ng Senado, hangga’t ang mga ito ay naaayon sa umiiral na batas, tamang proseso, at itinatag na jurisprudence.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na naninindigan ang Pangulo sa paggalang sa mga institusyon ng pamahalaan at sa kanilang mga kapasyahan, basta’t ang mga ito ay naaayon sa legal na balangkas ng bansa.
Gayunman, iginiit ni Castro na hindi kailanman susuportahan ng Pangulo ang anumang hakbang na lumalabag sa batas. Bilang halimbawa, binanggit niya ang anumang utos na “lock and load,” pagpayag sa pagpapaputok kay General Aplasca, o anumang aksyon na maaaring magbigay-daan sa pagtakas ng isang akusado, kabilang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Castro, malinaw ang direktiba ng Pangulo na ang lahat ng kilos at desisyon ng pamahalaan ay dapat nakabatay sa rule of law, may wastong due process, at alinsunod sa umiiral na mga batas at desisyon ng korte.
Binigyang-diin din niya na ang suporta ng Pangulo sa mga desisyon ng Senado ay hindi nangangahulugang awtomatiko nitong sinasang-ayunan ang lahat ng hakbang, lalo na kung ang mga ito ay maaaring lumabag sa batas o sa Konstitusyon.
Samantala, bago sinagot ang mga tanong ng media kaugnay ng isyu, pansamantalang itinigil ni Castro ang briefing upang kumustahin si Senadora Pia Cayetano matapos mapansing hinihingal ito habang nagsasalita sa pagdinig. Matapos matiyak ang kalagayan ng senadora, ipinagpatuloy ni Castro ang pagsagot sa mga katanungan ng media.














