Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 131 na naglalayong itaguyod ang Artificial Intelligence (AI) Governance Framework at itatag ang National Artificial Intelligence Council (NAIC).
Nilagdaan ang nasabing kautusan noong Nobyembre 12 upang magsilbing gabay sa pagbuo ng mga polisiya, regulasyon, koordinasyon, pagpapaunlad ng mga institusyon, pagpapalakas ng kakayahan, at iba pang hakbang ng pamahalaan para mapaunlad ang AI ecosystem sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kinikilala ng Executive Order ang Artificial Intelligence bilang isang mahalagang kasangkapan upang mapagaan at mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipino.
Binigyang-diin din niya na dapat magkaroon ng positibong epekto ang paggamit ng AI sa mga manggagawa, negosyo, komunidad, at sa buong bansa.
Layunin ng kautusan na matiyak na ang pagpapaunlad at paggamit ng AI ay responsable, ligtas, etikal, at may sapat na mga pananggalang upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Sa ilalim ng EO 131, inaatasan ang National Artificial Intelligence Council na manguna sa koordinasyon, pagtataguyod, at pagsubaybay sa pagpapatupad ng AI Governance Framework.
Pangungunahan ng Executive Secretary ang NAIC bilang chairperson, habang magsisilbing vice chairperson ang kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development.
Kabilang naman sa mga miyembro nito ang mga kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Science and Technology (DOST), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Budget and Management (DBM).
Kasama rin sa konseho ang Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at isang kinatawan mula sa pribadong sektor.














