NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang isang mangingisda matapos tamaan ng kidlat habang nagkokolekta ng seashells sa Barangay Soliayao Ibaba, Pitogo, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jordan Juanaya Batralo, 52-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na dakong alas-4 ng hapon nang makita ng isang Arnold Forbes Enero, residente rin lugar ang pagtama ng kidlat sa baybayin, kung saan nakakita pa umano ito ng bolang apoy.

Ngunit hindi nito napansin na natamaan na ng kidlat ang biktima.

Samantala, nang mapansin umano ng mga kamag-anak ng biktima na hindi ito nakauwi sa kanilang bahay ay agad ang mga itong humingi ng tulong kay Enero na hanapin ang biktima.

Dakong alas-11 na ng gabi nang matagpuan ng mga ito ang biktima sa lugar kung saan nakita ni Enero na tumama ang kidlat.

Sa ngayon, paalala na lamang ng mga awtoridad na iwasan na ang paglabas ng bahay lalo na kun malakas ang ulan na may kasamang kulog at kidlat para maiwasan ang ganitong mga uri ng insidente.