Nakapagtala ng pagtaas sa volcanic earthquakes at sulfur dioxide emissions sa Mayon Volcano sa Albay sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Lunes.

Batay sa pinakahuling bulletin ng PHIVOLCS, umabot sa 45 volcanic earthquakes ang naitala sa Mayon Volcano, kabilang ang apat na volcanic tremor episodes na tumagal ng lima hanggang 12 minuto.

Mas mataas ito kumpara sa 27 volcanic earthquakes na naitala noong nakaraang monitoring period.

Naitala rin ang sulfur dioxide flux na nasa 1,216 tonelada noong Linggo, mas mataas kaysa sa 988 tonelada na naitala noong Sabado.

Advertisement

Gayunman, bumaba naman ang bilang ng rockfall events sa 290 mula sa dating 341, habang wala ring naitalang pyroclastic density current (PDC) signals o “uson” activity sa nakalipas na 24 oras.

Patuloy pa rin ang lava effusion mula sa summit crater ng Mayon Volcano na nagpapadaloy ng lava sa Basud, Bonga, at Mi-isi gullies.

Nakapagtala rin ng minor strombolian activity at crater glow na nakikita pa umano ng mga residente kahit walang gamit na optical aid.

Ayon pa sa PHIVOLCS, nananatiling nasa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugang may intensified unrest o magmatic unrest at posibleng magkaroon ng mas mapanganib na aktibidad.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng six-kilometer permanent danger zone (PDZ), pati na rin ang hindi kinakailangang aktibidad sa extended danger zone (EDZ).

Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibilidad ng rockfalls, lava flows, pyroclastic density currents, moderate explosions, at lahar lalo na kapag may matindi at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Advertisement