Umabot sa tinatayang 8,544 ektarya ang natabunan ng ashfall mula sa Bulkang Mayon sa Albay, na halos kalahati ng laki ng Quezon City, ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA).
Batay sa ulat ng PhilSA nitong Martes, ang lawak ng ashfall ay tinukoy gamit ang change detection analysis mula sa Sentinel-2 satellite images, kumpara sa mga larawang kuha noong Abril 28 at Mayo 4, 2026.
Ayon sa ahensya, ang tinatayang lawak ng ash deposits ay katumbas ng humigit-kumulang 85,440 square kilometers, bagama’t nilinaw na ito ay subject pa sa ground validation at maaaring maapektuhan ng cloud cover sa ilang lugar.
Sinabi rin ng PhilSA na ang resulta ay umaayon sa atmospheric trajectory models at mga ulat mula sa ground monitoring.
Samantala, noong Mayo 1, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng minor strombolian activity sa summit crater ng Mayon Volcano, kung saan nagbuga ito ng ash plume na umabot sa humigit-kumulang 100 metro bago tinangay pa-kanluran at timog-kanluran.
Apektado ng ashfall ang ilang lugar sa Albay, kabilang ang mga bayan ng Camalig, Guinobatan, at Legazpi City, na nakaapekto sa libu-libong residente, ayon sa Office of Civil Defense.
Patuloy na minomonitor ng mga ahensya ang aktibidad ng bulkan at epekto ng ashfall sa mga apektadong komunidad.














