Patuloy ang pag-aalboroto ng Mayon Volcano matapos maobserbahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang tuloy-tuloy na pagdaloy at pagbagsak ng lava nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nakita sa camera footage ang lava effusion at collapse sa Mi-isi Gully bandang alas-8:52 ng gabi noong Mayo 6, na bahagi na ng ika-121 araw ng tuloy-tuloy na effusive eruption ng bulkan.
Sa nakalipas na 24 oras, iniulat ng PHIVOLCS ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng lava, rockfalls, at pyroclastic density currents o “uson” na bumababa sa mga dalisdis ng bulkan.
Nakapagtala rin ang ahensya ng 11 volcanic earthquakes, 283 rockfall events, at 17 pyroclastic density current signals, bukod pa sa ilang panandaliang Strombolian activity at lava fountaining.
Dahil dito, muling nagpaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone dahil sa patuloy na banta ng pagputok at pagguho ng bato mula sa bulkan.














