NAGA CITY- Patay ang isang menor de edad na lalaki matapos malunod sa Lucena City.

Ang biktima ay residente ng Capitol Homesite, Brgy. Cotta sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na nagtungo sa Dumaca River sa Purok Sariling Atin, Brgy. Gulang-gulang sa nasabing lungsod ang biktima kasama ang pitong iba pa para maligo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing habang nagkakasiyahan ang mga ito, nagtungo sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima.

Ngunit, nakita na lamang umano ng isa sa mga kasamahan nito na si Arjem Sayat na nalulunod na ang biktima.

Sinubukan pa naman umano ng mga kaibigan ng menor de edad na iligtas ito ngunit hindi ito maabot dahil sa lalim ng ilog.

Ngunit makalipas ang ilang oras na hindi lumutang ang biktima, dito na humingi ng tulong sa mga awtoridad ang mga kasamahan ng biktima.

Samantala, nakita ang katawan ng biktima na wala ng buhay, sa tulong ng Coast Guard personnel, Lucena CDRRMO at BFP Special Rescue Team.