Nagpahayag ng kani-kanilang reaksyon ang iba’t ibang celebrities, content creators, at social media personalities kaugnay ng umano’y arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa at sa tensyong naganap sa Senado noong Mayo 13.

Sa social media post, nanawagan ang talent manager at showbiz commentator na si Ogie Diaz kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mamagitan na sa lumalalang sitwasyon sa Senado.

Giit ni Diaz, tila nagkakagulo na ang institusyon at nagtanong kung para pa ba sa bayan ang mga nangyayari o para sa mga kaalyado ng mga nasa kapangyarihan.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang beauty queen at TV host na si Joy Barcoma, na tinawag ang sitwasyon bilang “Welcome to the Philippine circus.”

Advertisement

Samantala, nagbigay ng komento ang Kapamilya actress na si Janine Gutierrez hinggil sa isyu ng extrajudicial killings, at iginiit na nararapat pa ring pagtuunan ng hustisya ang mga naging biktima nito.

Hindi rin napigilang magpahayag ng pagkabahala ang aktor na si Donny Pangilinan, na nagsabing “ang lala” ng sitwasyon sa bansa.

Ayon naman kay Kim Chiu, maiiwasan sana ang kaguluhan kung kusang sumuko ang taong sangkot sa usapin, at nanawagan din siya ng tamang pagboto at pagpili ng mga lider.

Nagpahayag din ng tanong ang media personality na si DJ Chacha kung lalabas pa ba o magtatago na lamang sa Senado si Dela Rosa sa gitna ng umiinit na isyu.

Tinawag naman ng film director na si Erik Matti ang sitwasyon bilang isang “political theater,” na sa kabila ng tila pagiging katawa-tawa ay may seryosong epekto sa bansa.

Hinikayat ng content creator na si Kervin Lao ang publiko na maging mapanuri at manindigan para sa mas maayos na pamumuno, habang nanawagan naman si Russelle Gee sa kabataan na makialam at iparinig ang kanilang boses sa mga usaping pampulitika.

Samantala, binigyang-diin ng pop culture commentator na si Gerry Cacanindin ang mga pangunahing problema ng bansa tulad ng kalusugan, edukasyon, transportasyon, mataas na presyo ng bilihin, at kakulangan sa trabaho, at iginiit na maging ang Senado ay dapat gumana nang maayos.

Tinapos niya ang kanyang pahayag sa panawagang “Surrender Bato” upang matapos na ang kontrobersiyang bumabalot sa isyu.

Advertisement