Ipinaalala ng Department of Justice (DOJ) sa mga paaralan at institusyong pang-edukasyon ang kanilang responsibilidad na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyanteng ipinagkakatiwala sa kanila ng mga magulang.

Ayon kay Justice Secretary Atty. Frederick Vida, hindi dapat kalimutan ng mga paaralan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng tinatawag na “substitute parental authority,” kung saan pansamantalang naipapasa sa paaralan ang responsibilidad ng mga magulang habang nasa loob ng campus o nasa ilalim ng pangangasiwa ng institusyon ang isang mag-aaral.

Ipinaliwanag ng kalihim na saklaw ng obligasyong ito hindi lamang ang mga aktibidad na bahagi ng kurikulum kundi maging ang mga non-curricular activities na inorganisa o pinahintulutan ng paaralan. Dahil dito, inaasahang magpapatupad ang mga institusyon ng sapat na mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga estudyante sa lahat ng pagkakataon.

Kaugnay nito, sinabi ni Vida na kasalukuyang sinusuri ng DOJ ang posibleng pananagutan ng unibersidad sa pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divin Adili, kapwa miyembro ng Ateneo Blue Eagles basketball team. Ayon sa kanya, hindi lamang ang coach ng koponan ang saklaw ng imbestigasyon kundi maging ang unibersidad at iba pang indibidwal na maaaring may pananagutan sa insidente.

Advertisement

Kasama rin sa sinisiyasat ng mga awtoridad ang pagpili sa lugar kung saan isinagawa ang aktibidad na nauwi sa pagkamatay ng dalawang atleta. Layunin ng imbestigasyon na matukoy kung may naganap na kapabayaan, kakulangan sa pag-iingat, o paglabag sa mga umiiral na patakaran sa kaligtasan.

Tiniyak naman ng DOJ na magiging masusi, patas, at nakabatay sa mga ebidensyang makakalap ang kanilang imbestigasyon. Binigyang-diin ni Vida na hindi pababayaan ng kagawaran ang kaso upang matiyak na mananagot ang sinumang mapatutunayang may pagkukulang at upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Advertisement